Monday, March 14, 2005

< Hukbong Kalawang >


Inhale!!!
Inhale some more!!!

Ex-haaaaale!!!

WE ARE THE BRAVO BATTERY!!!
WE ARE THE BEST!!!


Ganito kami tuwing linggo ng umaga noon. Karamihan kasi, sumusunod lang sa agos ng pagiging freshman sa kolehiyo. Kung hindi man napipilitan sa hamon ng mga kasabayan at mga kaklase na tapusin ng maaga ang Military Science, marami sa amin ay walang kakilalang doktor para bolahin ang mga officer na kunwari kami ay asthmatic o lumpo, at nang mapabilang sa hayup na hanay ng mga kadeteng ‘light duty’ ang silbi sa hukbong kalawang. Kapag light duty ka kasi, alalay ka lang ng officer. At ibig sabihin ng pagiging alalay; janitor/secretary/messenger ang trabaho mo sa headquarters. Mananatili ang long hair mo dahil hindi sila mahigpit sa gupit. Hindi ka masasabunan ng mga tumatalsik na laway ng taga-utos. Hindi mo rin maaamoy ang kanyang hininga. Hindi ka mabibilad sa araw. Hindi ka magkaka-sunburn at babyface ka pa rin sa mata ng iyong mga kaklase at blockmates.

Proud daw kami dapat sa aming battery. ‘Di tulad ng mga nasa Infantry, ang lakas namin ay nanggagaling sa putok ng aming mga armas at sandata. Kami daw ang makabagong bersyon ng mga archers at catapult rangers noong Medieval Age. Kaya nga Grissly Bear ang mascot ng aming hukbo, dahil sigurado daw na magiging mabangis ang mapapabilang sa Field Artillery Battalion.

Men, tell me now!!!
What is the Spirit of the Bayonet?!!

“TO KILL AND KILL RELENTLESSLY
WITHOUT MERCY,” SIR!!!


Sabado pa lang ng gabi, abala na kaming mga mokong sa paglilinis ng aming mga gamit. Kung naaaninag mo na ang tagyawat mo sa metal plate ng iyong garisson belt at sa iyong bota, puwede mo nang tigilan ang pagpapakinang at pag-eeskoba. Ayaw mong magkaroon ng demerits kaya tiyaking sakto ang gupit mong ‘white side wall’ na 3-by-5 at naahit lahat ng balbas/bigote. Tiyaking mabuti na plantsado at suwabe ang lahat; beret, patig, long sleeves, puting t-shirt, panyo, black gloves, at kung minsan, medyas. Huwag kakalimutang naka-almirol lahat lalung-lalo na ang panyo. Kalimutan mo nang lahat; almusal, pangalan ng battcom, pangalan mo, syota mo(sa panaginip), huwag na huwag ang panyong naka-almirol!!! Iyon kasi ang nakalagay sa log book---“STARCHED HANKY” ---siguradong importante, dahil madiin at capitalized ang pagkakasulat ni battcom. Pero minsan, meron din talagang tanga sa mundong ibabaw…

Naalala ko kasi nun, isa-isang kinakastigo at ini-inspect ang mga gamit namin na bahagi na rin ng routine sa formation. Lahat ay mga gamit na laman ng bulsa ng aming pantalon; suklay, tickler notebook, lecture notebook, itim at pulang bolpen, at syempre, ang imortal na 'starched hanky'. Pagdating ni battcom sa katabi ko sa kaliwa, pansin kong pigil na pigil si battcom sa pagtawa. Ang siste, imbes na naka-almirol ang panyo ng katabi ko, pinulbusan pala niya ng sandamukal na corn starch ang kanyang panyo. Engot talaga. Umuubo-ubo pa noon si battcom habang pinapagpag ang panyong sagana sa pulbo. Daig pa ang Espasol na gawang Bulacan ng lintek na panyong iyon. Suwerte ni boplats, hindi siya pinarusahan ni battcom.

Sabado ng gabi bago matulog, nakahanda na ang alarm clock. Pero madalas mangyari sa akin na maunahan ko ang alarm clock sa paggising. Kaya pagdating sa formation, kahit tumira ka ng isang boteng Red Bull ay aatakehin ka pa rin ng pesteng antok/ngawit at siguradong makakatikim ka ng parusa.

Demetcadet!!!
Niloloko mo ba ako?!!

SIR, NO SIR!!!

Ten down!!!
Make it quick!!!

SIR, YES SIR!!!
SIR, ONE SIR!!
SIR, TWO SIR!!!
SIR, THREE SIR…


Dahil daw sa sistemang ganito, matututo kang disiplinahin ang sarili mo. Libre pa daw ang exercise. Sabi naman ng iba, masasanay ka sa Blind Obedience at masasanay din ang mga superior mo na mang-oppress at mag-power trip. Ikaw naman, mananatiling sunud-sunuran at uto-uto. Ako, ano naman kaya ang natutunan ko mula dito? Natutunan kong maging Robot ng mahigit apat na oras kada linggo. Maging mekanikal hawak-hawak ang vintage WWII Garand rifle na hindi naman pumuputok at puro kalawang. Mas malakas pang pumutok ang utot ng senglot kesa sa sandatang ito. At sa sandaling tapos na ang inyong ritwal sa formation, mararamdaman mo ang hapdi ng iyong batok at sakit ng katawan. Back to earth from hell, ika nga. Maiisip mong hindi ka pa rin Robot. Pero kailangang gawin. Kung kaya nila, kaya mo rin---ito na lang ang pinipilit mong itanim sa utak mo.

Nagkaroon ng ROTC sa bansa dahil sa batas na nag-aatas na lahat daw ng mamamayan (maliban sa imbalido at matatanda) ay may responsibilidad na depensahan ang bayan sa panahon ng digmaan. Pero ‘pag nagkaroon ng World War III, magagamit ko kaya ang ganitong uri ng sandata at kaalaman laban sa mga kaaway na mataas ang antas ng teknolohiya?

“RAYA, HAS ONLY 1 BIG BALL,
MEDICS, HAD 2 BUT VERY SMALL,
MPs, HAD EVEN SMALLER,
HERE COMES THE BLACKHAWKS,
WITH NO BALLS AT ALL…”


Masaya lang sa ROTC kapag pauwi na kayo galing sa formation. Unang-una, na-iimagine mo na ang mainit-init na meryenda mo pauwi pati ang malamig-lamig na panulak. Pangalawa, masisilayan mo ang makamandag na ngiti ng chinitang Sponsor na talaga namang nakakatanggal ng pagod, at pangatlo, ang mga Marching Chants/Songs na pang-inis sa ibang mga grupong asar-talo. Kapag malapit na kasi ang Battalion Competition, madalas makakarinig ka ng mga asarang mas generic pa sa mga gupit nyo. Dahil Field Artillery kami, mortal na kaaway namin sa pagiging snappy ang mga Infantry- mga Blackhawks. “Bakla-hawks” ang pang-asar namin sa kanila. Ang mga Medic kasi, hanggang alalay na lang sa mga nagkukunwaring nawalan ng malay. Best friend nila ang White Flower at tourniquet. Yung mga Military Police naman, hanggang traffic aide na lang dahil wala namang rambol sa hukbo. Ang mga Rayadillo Honor Guards naman ay hanggang papogi na lang sa mga gasgas nilang silent drill na alam mong nagawa mo na nung high school ka pa. Pero mas angat sila sa disiplina. Ang secret weapon talaga namin nun sa aming tagumpay ay si battcom. Sabihin mo mang weird, absurd, o alien, totoo ito. Babae ang aming battery commander. Walang balls ang battcom namin, pero astig. Kahit napakapangit, napakakorni at napaka-horror ng imahe ng ROTC sa lipunan, may naiiwan pa ring respeto para sa aming lider at sa aming mga sarili kahit hanggang alaala na lamang ito. Dahil sa huli, kami ang nanalo bilang Best Battalion. Palibhasa kasi, paborito ang hukbo ng mga opisyal, media (suki si battcom ng Balitang K noon), at mga tao.

Naaalala ko na rin tuloy yung mga huling araw ko bilang cadet private 3rd class ng FA. Nagma-martsa kami noon pauwi sa DMST Complex tangan ang kanya-kanyang riple nang biglang bumuhos ang ulan na napakalakas. Imbes na magkagulo para sumilong, inutusan kami ni battcom na ituloy ang paglalakad. Pakiramdam namin, nasa war film kami ni Oliver Stone. Korni nga lang dahil puro puno ng Acacia ang dinadaanan namin sa aspaltadong kalsada. Umusad pa ang walang-kamatayang Marching Chant tungkol sa pag-aasawa ng isang bastos na binata. Para na rin kaming mga basang sisiw na nakangiting-aso galing sa isang malupit na giyera, pero wala kaming pakialam kung magkakasakit o hindi, dahil huling martsa na rin ng Hukbong Kalawang.

Ngayon, ang dating ROTC ay ginawang NSTP. Siguradong iba na ang kuwento dahil parehong babae at lalake ang dadaan dito.





0 Comments:

Post a Comment

<< Home