Silang mga Palaban
Ilang oras mula ngayon ay ililibing na nila ang pinakamamahal ng lahat na ilang araw ding nakahimlay sa Vatican. Hindi siya makakalimutan ng mga tao bilang pangunahing karakter ng Simbahang Katoliko nitong nakaraang dalawang dekada . Pero sana din ay hindi makalimutan ang kanyang katapangan para kilalanin ang karapatan ng tao na magkaroon ng relihiyon at magtatag ng munting simbahan sa panahong naghari ang atheismo sa kanyang lipunan. Dahil iyon din ang naging dahilan kung bakit siya naitalaga bilang lider ng Kristiyanismo. Wala siyang takot na hindi maintindihan ng ibang mga tao sa kanyang mga paniniwala. Dahil dito, saludo ako sa kanya.
Bukas naman ay ika-63 anibersaryo ng Bataan Death March. Sana'y maalala din natin ang paghihirap ng ating mga ninuno para lang natin makamit ang malayang lipunan ngayon. At tulad din nila ay ang bawat manang at manong na nakikita natin sa kalsada araw-araw. Tulad ng namayapang Juan Pablo II at ang mga bayani ng WWII, sila ay palaban din. Lumalaban para mabuhay, lumalaban para sa kinabukasan ng kanilang mga anak at apo. Gasgas mang sabihin na imbes na sayangin na lang ang oras sa pamamasyal sa mga sinehan at beach resorts sapagkat napakaigsi lamang ng ating buhay, wala silang ibang magagawa kundi pakainin ang mga bungangang walang malamon. Kahit may oras na libre, ang libreng oras na ito ay hindi nila kayang sayangin pa. Sila ang tunay na nakakadama ng hirap pero nananatiling buhay. Saludo din ako sa kanila
Sa mga fresh graduates naman at mga graduating ngayong Abril na pumunta sa malayong probinsya para isantabi ang personal na pangangailangan at nag-volunteer na magturo sa mga bata at matatanda, pati na rin ang ibang mga propesyunal na inuuna ang pagtulong sa kanilang kapwa bago ang kanilang mga sarili at pamilya, siguradong may hindi nakakaintindi sa inyo. Siguradong tanga at baliw ang turing sa inyo. Pero sa inyo at sa bawat duktor, guro, at inhinyero na naninilbihan sa kabundukan sa probinsya at sa mga lugar na kailangang-kailangan at salat ang mga katulad ninyo, saludo ako. Siguradong galit ngayon ang mga "nagmamahal" sa inyo.
Pero hindi pa rin kayo natatakot na isantabi at makalimutan ng inyong mga mahal sa buhay; mga taong mahalaga para sa inyo. Kung minsan nga't hindi na makayanan ay napapatiim-bagang na lang kayo o 'di kaya'y napapahikbi na lamang. Kung hindi kayo tutulong, sino pa kaya? Sino pa ba ang mag-aalay ng panandaliang lunas kundi kayong mga nakakaintindi rin.Yaong mga tunay na nagmamalasakit.
Ayos lang ang paghihirap na iyan sapagkat sa huli ay hindi nakakalimutan ng Diyos ang mga taong palaban na malaki ang silbi at nagawa/nagagawa para sa pagkukumpuni ng lipunang ito. Kahit iilan pa sa inyo ay malabo na ang paniniwala sa Kanya.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home